MALAKI na ngayon ang suliranin ng mga sakay sa barkong naipit sa Zamboanga City dahil sa kakulangan nila ng tubig at pagkain.
Bukod rito, tensyunado pa rin ang sitwasyon sa Zamboanga City sa nagaganap na sagupaan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at Moro National Liberation Front (MNLF).
Ayon kay Jade Palmon, residente ng Brgy. Feleciano, Balete, Aklan at isang apprentice seaman sa inter-island na naipit sa gulo sa naturang lugar na pati sila ay kinakabahan dahil sa paminsan-minsan pagpapalitan ng putok ng magkabilang kampo na kadalasang tumatagal ng mga 15 minuto.
Pinigilan umano ng Philippine Coast Guard (PCG) na makapaglayag ang mahigit sa 20 sasakyang pandagat na nakahimpil ngayon sa Zamboanga port dahil kahit umano sa seaside ay may kaguluhan.
May isang pangyayari umano na halos tamaan ng ligaw na bala ng rocket propelled grenade ang katabi nilang barko.
Ipinaabot din ni Palmon na pangunahing problema nila ngayon ang kawalan ng tubig na pampaligo at maiinom gayundin ang mga pagkain.
Hindi umano sila pinapayagang makalabas ng barko dahil sa panganib.
Kitang-kita rin nila mula sa kanilang barko ang pag-evacuate ng ilang tao sakay ng bangka. Ngunit hindi umano nila matukoy kung ito ay mga MNLF o mga residente.
The post Stranded sa mga barko na naipit sa Zamboanga, kinakapos ng tubig at pagkain appeared first on Remate.