SUPORTADO ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o KADAMAY ang naging panawagan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na tutulan ang lumalalang anomalya ng pork barrel na kinakasungkatan ng mga lider ng bansa.
Ayon sa lider ng Simbahang Katoliko sa bansa sa kanyang naging mensahe sa Manila Archdiocesan General Pastoral Assembly (MAGPAS) kahapon, kailangang pagsikapan ng taumbayan na baguhin ang kasalukuyang sistema.
Ani Tagle, may pagpipilian ang mga Pilipino: ang hayaan ang korapsyon sa bansa, o ang magpahayag ng oposisyon dito.
Kasabay nito, nanawagan ang KADAMAY sa lahat ng maralitang lungsod, lalo na sa Kamaynilaan, na lumahok sa isasagawang malalaking protesta kabilang na ang ‘EDSA Tayo’ sa darating na Setyembre 11.
Dagdag ng grupo, ang kasalukuyang sistema ang patuloy na nagpapalala sa kahirapang dinaranas ng mamamayan.
Ayon kay Gloria Arellano, pambansang tagapangulo ng KADAMAY, wala na umanong moral na awtoridad ang kasalukuyang administrasyong Aquino upang pamunuan ang pag-ahon sa kahirapan ng aabot sa 80 milyong naghihirap na Pilipino.
Dagdag pa ng lider, napatunayan sa tatlong taong panunungkulan ni Aquino na ang tanging paraan upang mabago kalagayan ng maralita ay hindi ang mga hungkag na programang pinopodohan ng bilyong piso mula sa buwis ng taumbayan, ang mga programang pangkaunlaran tulad ng Public-Private Partnership na liban sa nagpapalayas sa mga maralita mula sa kanilang tirahan, at nagsasapribado ng mga serbisyo gaya ng mga ospital sa interes ng kapital.
“Ang pagpapabagsak sa kapitalistang sitema na kontrolado ng mga dayuhan at lokal na negosyante na kinakasangkapan ng mga korap na pulitiko sa bansa ang tanging paraan para guminhawa ang kalagayan ng maralita sa bansa,” ani Arellano.
The post Pahayag ni Cardinal Tagle na baguhin ang sistema, suportado ng grupong KADAMAY appeared first on Remate.