INABSUWELTO ng Department of Justice ang mga dating heneral at opisyal ng PNP at AFP na idinadawit sa reklamo kaugnay ng pagkawala ng aktibistang si Jonas Burgos.
Sa resolusyon na inaprubahan ni Prosecutor General Claro Arellano, kasama sa mga inabswelto sa kasong arbitrary detention, murder at obstruction of justice na inihain ni Ginang Edita Burgos sina dating Brig. Gen. Eduardo Ano; dating Lt. Col. Melquiades Feliciano, dating Lt. Gen. Romeo Tolentino, dating Gen. Hermogenes Esperon, dating Lt. Gen. Alexander Yano at dating PNP Chief Director General Avelino Razon.
Samantala, inirekomenda namang masampahan ng kasong arbitrary detention sa korte si Major Harry Baliaga Jr.
Nilinaw naman ni Arellano na kaya nila ibinasura ang kasong murder laban sa lahat ng mga respondent ay dahil hindi pa naman nakikita ang katawan o hindi pa natutunton ang kinaroroonan ni Burgos.
Ipinaliwanag pa ni Arellano na ang resolusyon ng DOJ ay walang magiging epekto sa kahihinatnan ng imbestigasyon ng NBI sa kaso ng pagkawala ni Jonas Burgos.
Si Baliaga ang itinuro ng isa sa eye witness na kabilang sa mga dumukot kay Jonas mula sa isang restawran sa isang mall sa Lungsod ng Quezon noong April 28, 2007.
The post PNP, AFP officials na dawit sa pagkawala ni Burgos inabsuwelto appeared first on Remate.