ITINAKDA ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) ang unang araw ng paglilitis sa kasong electoral sabotage sa Enero 31 laban kina dating pangulo at ngayon ay Pampanga 2nd District Representative Gloria Macapagal-Arroyo, dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan, Sr. at dating Maguindanao Election Supervisor Lintang Bedol.
Personal pang inihatid ni Sheriff Rodel Buenviaje sa kani-kanilang detention cell ang may 30-pahinang pre-trial order kung saan ay nilagdaan na ito ng mga akusado matapos ipasya ni Judge Jesus Mupas ng Pasay RTC Branch 112 na huwag nang papuntahin sa korte ang mga nasasakdal upang malagdaan ang pre-trial order.
Ang nilagdaang pre-trial order ang nagsisilbing pinaka-buod ng mga napag-usapan at natalakay sa mga isinagawang pre-trial sa kaso na magsisilbing gabay ng magkabilang panig kaugnay sa mga isyung tatalakayin ng mga testigong ihaharap at iba pang mahahalagang hakbang upang umusad ng maayos ang paglilitis.
Ayon naman sa tagapagsalita ng Branch 112 na si Felda Domingo, karaniwan ng nilalagdaan ng mga akusado sa loob ng korte ang pre-trial order bago simulan ang paglilitis subalit dahil na rin sa pagsasaalang-alang sa seguridad, ipinasiya ng mga tagausig at mga abogado ng mga akusado na huwag ng pasiputin ang tatlo at dalhin na lamang sa kani-kanilang detention cell ang kautusan upang doon lagdaan.
Napag-alaman na magiging pangunahing tagausig ng Comelec sa pagsisimula ng paglilitis si Director for Planning Atty. Ferdinand Rafanan, kapalit ni Atty. Esmeralda Ladra.
Bukod sa mga kasong kinakaharap ng dating pangulo, Ampatuan at Bedol, si Atty. Rafanan din ang pangunahing haharap sa kasong electoral sabotage laban kay dating Comelec Chairman Benjamin Abalos, Sr.