IPINAG-UTOS ng Sandiganbayan ang pag-aresto kay dating Philippine National Police (PNP) Chief Jesus Verzosa at pito pang matataas na opisyal ng PNP kaugnay sa maanomalyang pagbili sa may 75 rubber boats noong 2009 na nagkakahalaga ng P131.5-milyon.
Kabilang sa mga ipinaaresto nina Associate Justices Alex Quiroz, Samuel Martirez at Jose Hernandez, sina dating PNP Deputy Director General at ngayon ay Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano, dating Director Luizo Ticman, dating Director Ronald Roderos, dating Director Romeo Hilomen, dating Chief Supt. Herold Ubalde, dating DDG Benjamin Belarmino, Jr., at dating Chief Supt. Villamor Bumanglag.
Ito na ang ikalawang warrant na inisyu ng Sandiganbayan para kina Verzosa at Soriano matapos masangkot din ang mga ito sa maanomalyang pagbili sa dalawang overpriced second hand choppers.
Nagpiyansa agad sina Verzosa at Soriano sa unang pag-aresto sa mga ito.
Ngunit para sa ikalawang kaso ay mabilis na nagpiyansa si Soriano ng P30,000 sa Sandiganbayan.
Kaninang umaga ay inaresto na ang akusadong si Roderos ng mga Sandiganbayan Sheriff personnel habang dumadalo sa pagdinig ng kanyang graft case kaugnay sa chopper scam sa loob mismo ng korte.
Agad nagpiyansa si Roderos kasama ang kanyang abogado ng P30,000.
The post Versoza ipinaaaresto ng Sandigan appeared first on Remate.