HARAPANG hinamon ni Senate Minority Leader Alan-Peter Cayetano si Senate President Juan Ponce Enrile na payagan ang isang pribadong independent auditing firm ang bumusisi sa kabuuang pondo ng Senado upang malaman kung paano ito ginastos at ni-liquidate.
Ibinunyag ni Cayetano sa kanyang privilege speech na mayroong mahigit limang daang milyong piso na pondo sa tanggapan ng Senate President na kung saan mayorya sa pondong ito ay maaaring i-liquadate sa pamamagitan ng certification lamang.
Iginiit ni Cayetano na kung talagang walang tinatago si Enrile at ang tanggapan nito ay papayagan nitong mabusisi ng pribadong auditing firm ang libro ng Senado.
Hindi rin naitago ni Cayetano ang kanyang pagtataka kung sino ba talaga ang nagpapatakbo ng opisina ng Senate president dahil ang ilan sa mga patakarang nasusunod ay ang desisyon ng Chief of Staff at hindi si Enrile.
Nagugulat din si Cayetano kung bakit noon pa ay galit na galit na sa kanya ang liderato subalit tiniis na lamang niya ito bilang miyembro ng minorya.
Matapos magsalita sa sesyon si Cayetano ay agad tumayo si Enrile subalit naging mas malalim pa ang personalan matapos na ibunyag ng Senate president na mayroon pang pagkakautang ang kanyang pumanaw na ama na si dating Senador Renato “Compañero” Cayetano na P37 milyon.
Naging dahilan ito ng pagsasagutan ng dalawang senador.
Kaya’t agad namang iminungkahi ni Senador Franklin Drilon na magkaroon ng pansamantalang suspensyon upang mapigilan ang anomang patuloy na hidwaan na namamagitan sa dalawa.