PINAALALAHANAN ng pamunuan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang lahat ng Pinoy sa Syria na umiwas sa mga lugar na posibleng target ng airstrikes ng Amerika.
Ang naturang paalala ay ginawa ng DFA makaraang magpahiwatig si US President Barack Obama ng “unilateral action” laban sa Syria bilang tugon sa chemical weapons attack na pumatay sa mahigit isang libong civilian sa labas ng Damascus kamakailan.
Ayon kay DFA spokesperson at Assistant Secretary Raul Hernandez, inaasahan ang pagdating sa bansa ngayong linggo ng may 1,060 Pilipino mula sa Syria matapos mabigyan ng exit clearance ng Syrian government at ligtas na nakatawid sa Masna’a border sa Lebanon.
Dagdag pa ni Hernandez, noong Agosto 3 ay may 68 Pinoy ang nabigyan ng exit visa at unang nakatawid sa Masna’a border sa Lebanon habang inaayos na rin ang exit visa transfer ng 92 iba pa sa Beirut na matatapos sa Setyembre 7.
Pinaiiwas din ni Hernandez ang mga Pinoy sa mga lugar na posibleng target ng airstrike, tulad ng military installations, telecommunications facilities at defense buildings.
Samantala, umabot na sa 4,567 Pilipino ang nakabalik na sa bansa mula ng ipatupad ng pamahalaan ang mandatory repatriation plan noong 2011.
Sa kasalukuyan, mayroon pang 3,000 Pilipino ang nananatili sa Syria na pilit na kinukumbinsi ng pamahalaan na bumalik na ng Pilipinas.
Patuloy din ang panawagan ng DFA sa lahat ng natitirang kababayan sa Syria na agad kumuha ng repatriation dahil sa lumalalang kaguluhan dito at tumawag sa Embahada sa Damascus sa 963-11-6132626, +963-96-8955057, +963-93-4957926, +963-99-2264145, +963-96-8953340, o +963-95-8903893.
Hiniling naman sa mga kaanak ng Pinoy sa Syria na ibigay ang kasalukuyang lokasyon at contact details ng kanilang mahal sa buhay sa Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs (OUMWA) sa (02) 834-3240 o 834-4583 o DFA’s 24-hour Action Center sa (02) 834-3333.
The post Airstrikes ikakasa na ng Amerika sa Syria appeared first on Remate.