TINIYAK ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes Jr. na tuloy pa rin ang kanilang paghahanda para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Oktubre 28, sa kabila nang pag-apruba ng Senado sa panukalang ipagpaliban hanggang sa susunod na taon ang SK elections.
Ayon kay Brillantes, hindi pa naman pinal ang desisyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso kaya kailangan pa rin nilang ipagpatuloy ang preparasyon para sa eleksiyon.
Sinabi rin ng poll chief na makikipag-usap siya kina Senate President Franklin Drilon at House Speaker Sonny Belmonte ngayong linggong ito para alamin ang pulso ng Kongreso higgil sa Barangay at SK polls.
Naniniwala si Brillantes na sa pamamagitan nito ay malalaman nila ang magiging pinal na desisyon ng Kongreso at agad nilang malaman kung itutuloy o ititigil ang kanilang preparasyon.
Matatandaang una nang isinusulong sa Senado at Kamara ang panukalang buwagin na ang SK dahil nagagamit ito sa political dynasty at maagang natuturuan ang mga kabataan ng korapsyon.
The post Barangay at SK polls tiniyak ng Comelec appeared first on Remate.