DUMATING na sa bansa ang apat overseas Filipino workers (OFW’s) na kabilang sa 16 Pilipinong nakaligtas sa mga binihag sa In Amenas gas field sa Algeria, batay sa inilabas na ulat ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Ayon kay OWWA Administrator Carmelita Dimzon, pasado alas-3 ng hapon nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang apat na Pinoy workers sakay ng Gulf Air flight QR-646 kung saan ay sinalubong sila ng mga opisyal ng OWWA.
Ang mga umuwing Pinoy worker ay bibigyan ng stress debriefing at counseling at mga kaukulang tulong mula sa gobyerno.
Kamakailan, inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na anim na Pinoy ang namatay at apat pa ang nawawala habang 16 kababayan ang nakaligtas sa insidente nang sugurin ng Algerian special forces ang lugar nitong nakaraang Sabado upang lipulin ang Islamist extremist at mailigtas ang mga binihag nito .
Sinasabing may 9, 243 Pinoy ang nasa bansang Algeria batay sa 2011 Stock Estimate ng Commission on Filipinos Overseas.
Samantala, kinilala na rin ng pamunuan ng OWWA ang dalawang Pinoy workers na nasawi sa naganap na hostage-taking sa Algeria.
Kinilala ni OWWA Administrator Dimzon ang dalawa na sina Raffy Edubane at Iluminado Santiago. Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na si OWWA Administrator sa mga pamilya ng dalawang Pinoy workers na nasawi.