DAHIL sa paglalaro ng posporo, nalitson ng buhay ang paslit na anak ng isang caretaker nang masunog ang may siyam na kabahayan sa Zamboanga del Sur kaninang umaga (Agosto 31).
Narekober ang sunog na sunog na bangkay ng biktima na itinago sa pangalang Kaye, 2-anyos, tatlong oras matapos sumiklab dakong 6 ng umaga ang sunog sa bahay ng isang Aurelio Pabatao, na siyang tinitirhan ng tatay ng biktima na si Rolando Lorona sa may Purok Makiangayon, Barangay Balangasan, Pagadian City lalawigan ng Zamboanga del Sur.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection Pagadian City, na bago ang insidente, ay naglalaro ng posporo ang biktima kasama ang iba pa niyang mga kapatid. Wala umano sa bahay ang kanilang mga magulang.
Tinatayang aabot sa P2.5 milyong halaga ng mga ari-arian ang naabo sa nasabing sunog.
Samantala, nasunog din ang isang bahay sa may Barangay Sirawai Proper, Sirawai, Zamboanga del Norte bandang alas-9:45 naman ng gabi dahil sa naiwang kandila sa loob ng bahay.
Napag-alaman na natutulog na ang dalawang nagsisilbing caretaker ng bahay na sina Rapson Tungayao Manambahi, 19, at ang 15-anyos na si Aksing Sapa nang mangyari ang malaking sunog.
Masuwerteng nailigtas ng dalawa ang kanilang mga sarili nang madiskubre ang lumalaking apoy.
Sinabi ng awtoridad hindi bababa sa P700,000 halaga ng mga ari-arian ang nasunog.
The post Paslit naglaro ng posporo, nalitson ng buhay sa sunog appeared first on Remate.