TATLONG Japanese nationals ang pinigil ng mga kagawad ng Bureau of Customs sa Ninoy Aquino International Airport dahil sa hindi pagdedeklara ng kanilang dalang foreign currencies na nagkakahalaga ng P46.8 milyon sa Philippine currency, gambling chips noong Huwebes ng gabi.
Wala namang nagawa ang tatlong dayuhan na nakilalang sina Takashi Koichi, Suzuki Yuzo and Tereshima Seita nang makumpiska mula sa kanila ang Japanese Y88-milyon, US$170,000, at gambling chips ng Resorts World Casino na umabot sa P1,560,000.
Base sa umiiral na circular ng Bangko Sentral ng Pilipinas, kailangang ideklara ng bawat pasahero ang perang sosobra sa sampung libo, maging ito man ay Philippine currency o foreign currency.
Ang tatlo ay dumating sa NAIA Terminal 1 alas-9:45 ng gabi noong Huwebes lulan ng Japan Air Lines flight JL 745 mula sa Narita.
Napag-alaman na dalawang linggo bago dumating ang mga Hapones, nakatanggap ang Customs Intelligence and Investigation Service ng impormasyon na may mga Japanese na magdadala ng malaking halaga ng pera papasok sa bansa.
Ayon kay Atty. Agnes Domines, Customs Duty Collector, pumila ang tatlo sa iba’t-ibang examinations lane upang lituhin ang mga awtoridad. Nang tanungin nina Customs Examiners Jaypee Mabuhay, Irene Alla at Paula Manlangit ang mga dayuhan kung meron silang idedeklara, sumagot sila na “wala.”
Paglampas ng tatlo sa examination lanes na kanilang pinilahan, pinigil sila ng mga awtoridad at pinabuksan ang dala nilang trolley bag at tumambad ang bungkos bungkos na Yen na tig-10,000.00 at US dollar na tig-100.
Kinukumpirma pa ng mga awtoridad kung ang mga dayuhan ay totoong may negsoyo sa
bansa dahil sinabi nila na ang pera ay ipangbibili ng gamit sa pagmimina ng copper.
Ayon pa sa tatlong dayuhan, meron din silang call center sa bansa.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa circular ng Bangko Sentral at paglabag sa Tariff and Customs Code of the Philippines.
The post P50 milyon nakuha sa 3 Japanese nationals appeared first on Remate.