HINDI na matutuloy ang official trip ni Pangulong Benigno Aquino III patungong Nanning, China para daluhan ang 10th ASEAN-China Expo (CAEXPO) na magsisimula sa Setyembre 3 hanggang 6, ang Pilipinas ang tatayong “country of honor.”
Sa ulat, sinabi ni DFA spokesperson Raul Hernandez na mismong ang gobyerno ng China ang humiling sa gobyerno ng Pilipinas na huwag na munang padaluhin ang Pangulong Aquino sa nasabing event sa kabila ng napadalhan na siya ng imbitasyon.
Ang katwiran ng China ay kailangang kaaya-aya ang oras ng Pangulong Aquino na dumalo sa nasabing event at hindi iyong napipilitan lamang.
Ang kahilingan ng China ay nakarating sa pamahalaang Pilipinas matapos sabihin ni Pangulong Aquino na dadalo siya sa Expo event subalit kailangan na agad siyang bumalik ng Pilipinas dahil ayaw niyang magtagal ang kanyang pananatili roon.
Magiging kinatawan sana ni Pangulong Aquino si Trade Secretary Gregory Domingo sa naturang event.
Ang Pilipinas ay matagal nang may alitan sa China dahil sa ilang bahagi ng South China Sea— na tinawag ng Pilipinas na West Philippine Sea.
Bukod sa China ay nakikipag-agawan din sa nasabing isla ang mga bansang Vietnam, Malaysia, Brunei at Taiwan.
Samantala, sinabi naman ng Malakanyang na kung matuloy man ang Pangulong Aquino sa Expo event ay malabo namang talakayin ang isyu ng South China Sea.
The post PNoy, hindi na dadalo sa Expo event sa China appeared first on Remate.