DAPAT na ring isailalim sa special audit ang lahat pork barrel na inilabas ng administrasyong Aquino.
Ito ang hamon ngayon ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, sa Commission on Audit upang hindi mapaghinalaan ang komisyon na namimili kung anong taon at kung kaninong pork barrel ang dapat na isailalim sa special audit.
Ani Romualdez, dapat ding ilabas ng COA ang resulta ng special audit sa pork barrel mula 2010 hanggang sa kasalukuyan pati na ang lump sum funds ng Malakanyang at iba pang bahagi ng ehekutibo.
Paliwanag ng mambabatas na hindi magiging patas kung sa administrasyong Arroyo lamang sumentro ang audit sa pork barrel dahil nagpatuloy naman ang sistema hanggang nitong nagdaang tatlong taon ng panunungkulan ni Pangulong Aquino.
Matatandaang sa unang paliwanag ni COA Chairman Grace Pulido-Tan ay sinabi niyang dinatnan na niya ang special audit sa 2007-2009 pork barrel at sa termino na niya ito natapos kaya ngayon lang nailabas ang resulta.
Tumanggi rin si Tan na isailalim pa sa special audit ang pork barrel nitong Aquino administration dahil idinadaan umano ito sa regular audit ng COA.
Sa ngayon, pinag-aaralan na rin ni ABAKADA Partylist Rep. Jonathan dela Cruz na maghain ng resolusyon upang ma-impeach si Pulido Tan.
Ang hindi pulidong special audit ng COA ang idinahilan ni dela Cruz nang tumayo ito sa plenaryo bilang suporta sa pag-alma ni Compostela Valley Rep. Carmen Zamora-Apsay sa diumano’y pagsira ng COA sa inalagaang pangalan ng kaniyang ama na si dating Rep. Manuel waykurat Zamora.
Sinundan ito ng paghahamon din ni 1-BAP Partylist Rep. Silvestre Bello kay Pulido-Tan na humingi ng paumanhin sa pamilya Zamora.
Ngunit ang pakiusap ni Dasmariñas Rep. Elpidio Barzaga na tigilan na ang COA dahil posibleng akalain na panliligaw lamang ito sa tunay na isyu ng P10 bilyong pork barrel scam.
“It was a simple case of clerical error. The amount involved exceeds billions of pesos, thousands of transactions covering a period of three-years. Therefore, because of the magnitude of the COA audit taking into consideration the voluminous documents it is not unlikely that clerical errors might be committed in the course of the examination,” ayon pa rink ay Barzaga.
The post Pork barrel ni PNoy, ipinasasailalim na rin sa special audit ng COA appeared first on Remate.