MAS mayroong dahilan ngayon para magtrabaho ang dalawang kapulungan ng Kongreso at siguruhin na maisabatas na ang Freedom of Information Bill (FOI) matapos na maunsiyami ito noong nakaraang ika-15 Kongreso.
Ito ang binigyang diin ngayon ni Senadora Grace Poe, chairman ng Senate Committee on Public Information and Mass Media bunsod na rin ng mainit na isyu ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) na nagsasangkot sa pangalan ng ilang halal na opisyal sa pamahalaan.
“Sa mga kaganapan ngayon mawawalan na po talaga ng excuse na hindi suportahan ang ganyang klaseng panukala. Kung saka-sakali na sabihin mong seryoso ka na magkaroon ng malinis na gobyerno,” paliwanag ni Poe.
Sinabi ni Poe na hindi dapat pangilagan o katakutan ang FOI Bill sa halip ay dapat na tignan ito bilang sandata kontra sa katiwalian.
Idinagdag pa ng senadora na sa ilalim ng isinusulong na FOI Bill, maging ang ehekutibo, lehislatura at hudikatura ay kailangan buksan sa publiko ang kanilang mga dokumento maliban na lamang sa mga impormasyon na classified na secret o sumasaklaw sa national security, foreign relations, at trade secrets ng mga Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs).
Subalit nilinaw ni Poe na maging ang mga ganitong impormasyon na ay kailangan din lumabas sa publiko pagkaraan ng sapat na panahon na itatakda ng panukalang FOI.
“Ibig sabihin lahat po ng dokumento ay kailangang nakikita ng ating mga kababayan. At kung ito naman po ay na-classify as secret or for national security, meron din pong panukala sa FOI proposal na yan na mayroong silang time frame, na within a reasonable time, na madi-declassify po yan,” paglilinaw ni Poe.
Binigyang diin pa ng senadora na dapat maging handa na ang gobyerno sa mga batas gaya ng FOI na magsisilbing salamin at batayan ng lahat ng transaksyon na pinapasok nito.
Idinagdag pa ni Poe na pinag-aaralan nitong mabuti ang FOI Bill na nakatakdang dinggin ng Senate Committee on Public Information and Mass Media sa darating na Miyerkules ng susunod na lingo dahilan sa gusto nitong maging matagumpay ang FOI sa bansa. Sa 193 bansa sa daigdig, 97 dito ay mayroong Freedom of Information Law.
“Kaya pinag-aaralan natin na mabuti iyan sapagkat maraming bansa, 90 something merong FOI pero kalahati noon hindi matagumpay. Gusto natin maging matagumpay ang FOI implementation,” paliwanag pa rin ni Poe.
The post Mga palusot para harangin ang FOI hindi uubra appeared first on Remate.