PINAGBIBITIW ng minority independent group sa Kamara ang dalawang opisyal ng Commission on Audit (COA) dahil sa anila’y malaking pagkakamali kaugnay sa inilabas na resulta ng special audit ng PDAF para sa taong 2007 hanggang 2009.
Sa isang press conference, ipinanawagan nina Leyte Rep. Martin Romualdez, Surigao del Sur Rep. Philip Pichay, BUHAY Partylist Rep. Lito Atienza at ABAKADA Partylist Rep. Jonathan dela Cruz ang pagbibitiw nina COA Chairman Grace Pulido-Tan at COA Commissioner Heide Mendoza.
Binigyang diin ni Romualdez na hindi katanggap-tanggap ang mga palpak na report ng COA kaugnay sa imbestigasyon sa PDAF ng mga kongresista kung saan nagpatawag pa ang komisyon ng isang press conference.
Tinukoy ng mga kongresista ang pagkakalathala ng P3 bilyong pork barrel na tinanggap ni dating Compostela Valley Rep. Manuel Waykurat Zamora ngunit itinuwid ito ng Department of Budget and Management.
Maging ang pahayag ni Tan na isang hindi kongresista sa pangalang Luis Abalos ang tumanggap din ng pork barrel ngunit itinuwid ni Pangulong Aquino sa pagsasabing ito ay si dating congressman Benhur Abalos na ngayon ay alkalde ng Mandaluyong.
Maging ang sinasabing pagtanggap ni Pangulong Aquino ng P40 milyong PDAF noong siya ay kinatawan pa ng Tarlac ay wala ring katotohanan ayon sa pagtutuwid ng DBM dahil hindi naman ito ginamit.
Banggit pa ni Romualdez na ang pagkakamaling ito ay sumira sa reputasyon hindi lamang ni Waykurat kundi maging ng buong institusyon ng Kongreso.
Tumanggi rin ang grupo ni Romualdez na maghain ng impeachment complaint laban kina Tan at Mendoza dahil kailangan anilang umiral ang delikadeza dito upang sila ay kusang magbitiw.
The post Pulido-Tan at Mendoza ng COA pinagbibitiw appeared first on Remate.