NASA Cairo, Egypt ngayon si Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario para sa pagsasagawa ng assessment upang mapabilis ang pagpapauwi sa mga Pinoy na nagtatrabaho at makaiwas sa kaguluhang nagaganap roon.
Dalawang linggo na mananatili sa Cairo si Del Rosario para matiyak ang kaligtasan ng OFWs matapos ilagay ng Department of Foreign affairs sa alert level 4 ngayon ang bansang Egypt.
Ginawa ng ahensya ang naturang hakbang limang araw matapos na masugatan sa ligaw na bala ang isang teenager na Filipino- Egyptian.
Ayon sa DFA, sa ilalim ng Alert Level 4, ay kailangan na ang repatriation ng lahat ng Filipino na nasa naturang bansa na babalikatin ng gobyerno ang mga gastusin.
Sa kalkulasyon ng pamahalaan, noong December 2011 ay may 7,000 Filipino sa Egypt, ang 1,200 ay permanenteng residente, ang 3,000 ay temporary overseas Filipino workers habang ang nalalabi ay mayroong irregular residency status.
Ayon kay Secretary Rosario, ang kapuna-puna ang pagbagsak ng peace and order, na pinalala pa ng kasalukuyang political instability at kawalan ng seguridad ang dahilan ng pagkakaroon ng mahirap na pamumuhay at mapanganib na pagtratrabaho ng OFW sa Ehipto.
Kaugnay nito, nananawagan ang kalihim sa lahat ng Filipino sa Egypt na agad makipag-ugnayan sa Philippine embassy sa Cairo para sa mabilisan nilang pagbabalik sa Pilipinas.
Maaari, aniyang, makontak ang Philippine Embassy sa Cairo sa mga sumusunod na numero: Trunk Lines: (+202) 25213062/64/65/51; Direct Lines: (+202) 2516 6217 / 25213045; Mobile Hotlines: (+2) 012 2743 6472 / 012 8247 6554; Fax No.: (+202) 2521-3048; Facebook: Cairo Philippine Embassy; at sa e-mail: cairope@tedata.net.eg, cairo.pe@dfa.gov.ph
Napag-alaman na noon pang August 17, 2013 dumating sa Cairo ang Rapid Response Team (RRT) ng DFA upang tumulong sa pagpapatupad ng repatriation program.
Samantala, dinalaw umano ni Secretary Del Rosario ang sugatang babaeng teenager na ngayon ay nagpapagaling na.
The post Mga Pinoy sa Egypt, pinapauwi na sa Pinas appeared first on Remate.