IGIGIIT ni House Public Information Committee chairman Ben Evardone na magkaroon ng caucus ang majority coalition sa Kamara para sa Freedom of Information bill.
Sinabi ng kongresista na makikiusap siya sa liderato ng Kamara upang magkaroon ng caucus at madesisyunan kung itutulak pa ang FOI o ibabasura na.
Kung mapagkakasunduan aniya o mapagbotohan ng majority coalition na huwag ng isulong ang FOI ay hindi na dapat pang ipasa ang panukala dahil mangangahulugang wala itong suporta sa plenaryo.
Inamin naman ng kongresista na dinadagsa siya ng text messages ng mga nagigiit na ipasa na ang foi bill kasama pa rito ang obispo sa eastern Samar.
Kasabay nito ay dinepensahan ni House Deputy Speaker at Quezon Rep. Erin Tañada ang Malacañang mula sa pag-atake ng Makabayan Partylist bloc matapos bawiin ang suporta ng mga ito sa Freedom of Information bill.
Binigyang diin ni Tañada na ang naisingit na amiyenda sa orihinal na bersyon ng FOI ay wala namang pinag-iba.
Sa kanyang pagkadismaya sa pag-urong ng suporta ng Makabayan ay sinabi ni Tañada na “this is the same bill that Rep. Teddy Casino and Rep. Raymond Palatino voted for when it was passed at the Public Information committee, chaired by my colleague Rep. Evardone. So why the sudden flip flop?”