NASAKOTE ng mga tauhan ng Pasay City Police Special Operation Unit (SOU) ang tatlong suspek na kumidnap sa isang Korean National sa isinagawang follow-up operation kaninang madaling-araw.
Kinilala ni Chief Inspector Joselito Sta. Teresa ang naarestong suspek na sina Bae Song Won, 40, casino agent, ng Unit 7 L, Robinson Towre, Adriatico St., Manila; Park Yong Nam, 37, ng 65 Bacolod St., Alabang Hill, Muntinlupa City at Kim Min Dong 34, ng 65, Bacolod St., Alabang Hills Muntinlupa City.
Ayon kay Sta. Teresa, ang biktima na si Joen Tai Soon ay nasagip ng mga tauhan ng SOU kaninang alas-5:00 ng umaga habang nasa loob ng bahay sa No. 65 Bacolod St., Muntinlupa City.
Nabatid na humingi ng tulong ang mga kaanak ng biktima at abogado nito na si Atty. Genaro Cabral kaugnay sa pagkakadukot kay Jeon Tai Soo.
Sa impormasyon na ibinigay ng kaanak, ang biktima ay dinukot ng mga suspek noong Agosto 16, 2013, sa Resort World Hotel habang nasa loob ng casino, sa Newport St., Pasay City bandang alas-4:00 ng madaling-araw.
Ang mga suspek ay humihingi ng ransom money sa mga kaanak na umaabot ang halaga sa P5 milyon kapalit ng kalayaan ni Jeon.
Dahil dito, agad na inutusan ni Pasay City Police Chief, Rodolfo Llorca ang SOU at SRU para sagipin ang biktima at nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlong suspek.
The post Korean dinukot, 3 suspek arestado ng Pasay-SOU appeared first on Remate.