POSIBLENG hindi makarating hanggang sa antas ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang pananagutan sa madugong insidente sa Atimonan, Quezon noong ika-6 ng Enero.
Ayon sa isang impormante mula sa NBI, katanggap-tanggap na ang naging paliwanag ni Chief Supt. Reginald Villasanta, PAOCC executive director.
Matatandaan na sa pagharap ni Villasanta sa NBI noong January 18, hindi inaprubahan ng PAOCC ang Case Operation Plan Armado o Coplan Armado dahil hindi nakapagsumite ng ilang mga requirement ang isa sa mga proponent nito na si Supt. Hansel Marantan.
Gayunman, inamin niya na nagbigay ang kanilang tanggapan ng 100 libong piso sa grupo ni Marantan para tulungan ang mga ito sa pagbalangkas ng matibay na kaso laban sa kanilang mga target. Pero ayon sa isang opisyal na may kinalaman sa imbestigasyon, bagamat binigyan nga ng pondo ng PAOCC ang grupo ni Marantan, malaking katanungan naman kung dapat bang papanagutin ang PAOCC kung nagkaruon nga ng overkill gayong hindi pa naman nila naaaprubahan ang operasyon.
Tumanggi namang magpabanggit ng pangalan ang nasabing opisyal dahil hindi pa naisusumite kay Pangulong Aquino ang NBI report kaugnay sa insidente.