NAGPAHAYAG ng pangamba ang ilang kongresista na ang Malampaya funds ay magamit ng administrasyon sa 2016 elections.
Sa minority press conference, sinabi ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na hindi malayong mangyari ito dahil tanging si Pangulong Aquino ang may diskresyon sa paggamit nito.
Pwede rin aniyang ipamudmod ito ng administrasyon sa mga pinapaborang distrito para mapalakas ang suporta sa mga kandidato ng administrasyon sa 2016.
Ang kabuuang nalikom na Malampaya funds mula noong 2002 ay umabot na ng P173 bilyon at meron pa aniyang P132 bilyon na hindi pa nagagalaw.
“Napakalaking presidential pork nito. And this is not a good way of spending the funds. Ang nagastos na nila ay P38.8 bilyon na. Itong perang ito ay hindi dumaan sa scrutiny ng Kongreso because Malampaya is not part of the budget,” ayon kay Colmenares.
Ang pondong ito ay dumidiretso sa special account 151 sa ilalim ng National Treasury subalit hindi ito kasama sa pinagkukunan ng pangtustos sa pambansang pondo kada taon.
Hindi man aniya ito ibulsa ng pangulo ay malinaw na iregularidad pa ring maituturing kung may favoritism naman ang pamamahagi nito.
Ibinunyag din ng kongresista na may departamento na sobra-sobra ang paggastos kumpara sa alokasyon sa General Appropriation Act.
“Only the president can disburse this. At ang hindi masagot kahapon (hearing ng Energy Department budget)ay magkano doon sa P38.8 bilyon ang napunta sa discretion ng pangulo. Kaya isa ito sa dapat tingnan kasi nong tingnan ko ang kanilang expenses, saan napunta iyon?”
The post Malampaya fund posibleng magamit sa 2016 elections appeared first on Remate.