NAKAPAGWALIS na ng 200 kolorum na bus ang Metro Manila Development Authority (MMDA) nang simulan ang operasyon ng South West terminal sa Parañaque.
Sa isinagawang briefing ng House Committee On Metro Manila Development, sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na ang mga kolorum na bus na hindi na makapasok sa Pasay hanggang EDSA ay nag-u-uturn sa Bacoor para makabalik ng Dasmariñas.
Tiwala rin si Tolentino na kapag tuluyang naisakatuparan ang pagkakaroon ng centralized bus terminal sa South, North at Southwest ng Metro Manila ay aabot sa 8,200 na mga bus ang maaalis sa EDSA.
Malaki aniya ang naging pakinabang ng Southwest Centralized bus terminal dahil sa loob ng unang 48 na oras na operasyon nito ay nakapag-dispatch agad ng 1,074 bus trips na mas mataas sa terminal sa ibang bansa.
Bukod dito ay nakaka-apat hanggang limang biyahe o ikot ang mga bus na humihimpil sa centralized terminal kumpara sa dati na hanggang sa tatlong ikot lamang bunga ng mabigat na trapiko.
Si Tolentino ay nagpasaklolo na rin sa Kongreso upang mabigyan sila ng dagdag pondo para sa pagtatayo ng centralized bus terminals.
Samantala, sinabi ni Tolentino na ihahain na niya sa LTFRB sa August 23 ang petisyon para mapababa ang pasahe sa mga bus na bumibiyahe mula sa Cavite.
The post Colorum buses unti-unti nang nawawalis appeared first on Remate.