HINDI papayagan ng ilang kongresista na mabalewala ang Kamara sa negosasyon kaugnay ng dagdag puwersa ng Amerika sa bansa.
Sinabi ni Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon, chairman ng House Committee on National Defense Committee na hindi dapat maitsapwera ang Kamara sa pagbuo ng kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos para sa dagdag na sundalong Kano sa bansa.
Bagama’t ang Senado aniya ang may kapangyarihan na mag-ratify ng mga tratado at international agreements na pinapasok ng gobyerno ay hindi marapat na mabalewala sa usapan ang Kamara para sa tinatawag na increased rotational presence ng mga sundalong Kano sa bansa.
Ipinaliwanag ng mambabatas na ang mga kongresista ang direktang nakakausap ng publiko sa kani-kanilang distrito at makakapagpaliwanag ng isyung ito.
Si Biazon ay isa sa congressional leaders na nakatanggap ng sulat mula kina Defense Secretary Voltaire Gazmin at Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario kaugnay ng planong dagdag na pwersa ng mga sundalong Kano.
Ngunit hindi aniya nakasaad sa sulat ang isyu ng pagbibigay ng access sa US troops sa mga base militar na mangangailangan anya ng hiwalay na negosasyon.
The post Kamara pasok sa dagdag tropa ng Kano sa Pinas appeared first on Remate.