KINUMPIRMA ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) na nagkaroon ng mercury spill sa isang bahagi ng Fabella Hospital sa Maynila.
Ayon kay Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, director ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), naganap ang mercury spill alas-3:30 ng hapon noong Huwebes sa isang kuwarto ng ospital.
May 18 vials aniya ng amalgam at mercury sa supply room ang nabasag, na naging sanhi ng mercury spill.
Nilinaw naman ng DOH na nakahiwalay sa mismong ospital ang supply room na off-limits na sa publiko.
Nililinis na rin umano ang naturang kuwarto.
Sa kabila naman nito ay tiniyak ni Tayag na agad ding inilipat ang 40 pasyente mula sa pediatric ward patungo sa iba pang ward ng ospital bilang bahagi ng precautionary measures ng Fabella Hospital.
Mino-monitor na rin ng DOH ang 30 indibidwal na posibleng naapektuhan ng mercury spill kabilang ang mga tauhan ng Fabella na unang nakadiskubre ng insidente.
Nilinaw naman ng health official na hindi gumagamit ng mercury ang Fabella Hospital at nakaimbak na lamang ang mga kemikal na nakatakda na sanang i-dispose ngunit minalas na mabasag.
Tiniyak naman ng Fabella Hospital patuloy ang kanilang operasyon at pagtanggap ng mga pasyente sa kabila ng insidente.
The post Mercury spill sa Fabella Hospital, kinumpirma appeared first on Remate.