PINAGBAWALAN ng Department of Health ang publiko na lumangoy sa karagatang sakop ng lalawigan ng Rosario, Cavite kung saan nagkaroon ng pagtagas ng langis.
Ayon kay DOH Assistant Secretary, Dr. Eric Tayag at tagapagsalita ng kagawaran, mapanganib sa kalusugan ang tumagas na langis.
Una nang napaulat na nabutas umano ang isang barko na naging dahilan ng pagkakaroon ng oil spill na kumalat sa 60-square-kilometer na karagatan na sumasaklaw sa tatlong bayan ng Cavite.
Ayon kay Dr. Tayag mapanganib sa kalusugan ang dulot ng langis sa sandaling madikit sa balat, malanghap o mainom.
Hangga’t maaari dapat aniyang lumayo sa lugar ng oil spill ang mga nagtataglay ng respiratory ailments.
Paalala ni Dr. Tayag, sa sandaling malanghap ang mga chemical components ng petroleum gaya ng benzene, ethyl benzene, toluene at ang xylene ay makaaapekto ito sa utak o sa central nervous system ng tao.
Maliban pa rito, pinagbawalan na rin ng DOH ang publiko sa pagkain ng mga isda, shellfish at iba pang laman-dagat mula sa naturang lugar habang hindi nagpapalabas ng safety clearance ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR.
The post Paglangoy sa apektado ng oil spill, ipinagbawal na appeared first on Remate.