HINDI na gagamit ang Commission on Elections (Comelec) ng Automated Fingerprint Identification System (AFIS) para sa pag-aalis ng multiple registrants para sa October 28 Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections bunsod nang kakapusan ng panahon.
Ayon kay Comelec Commissioner Grace Padaca, napakaraming mga aplikante na nais makaboto sa Barangay at SK polls at lubhang matrabaho dahil kailangan din ng encoding dito.
Sa ilalim ng AFIS, imina-match ng Comelec ang biometric registrations ng botante upang makita ang double at multiple registrants.
Ayon kay Padaca, dahil sa wala ng AFIS, aasa na lamang ang poll body sa ERB hearings na sisimulan sa Lunes.
Isa sa mga mandato ng ERB ang pagdinig sa mga opposition sa applications for registration o transfer of registration.
Batay sa datos ng Comelec – Election and Barangay Affairs Department (EBAD), lumilitaw na 1.8 milyong bagong aplikante ang nagparehistro para sa halalan; mahigit 519,000 applications para sa transfer of registration; at mahigit 121,000 para sa reactivation ng registration records.
Pinakamaraming bilang ng bagong rehistro ay sa Calabarzon (243,589); Central Luzon (193,232); at Metro Manila (143,301).
The post AFIS hindi na gagamitin ng Comelec appeared first on Remate.