PINAGTIBAY ng Korte Suprema ang diskwalipikasyon sa grupong Cocofed sa nagdaang party list elections nitong Mayo dahil sa kabiguan na magsumite ng pangalan ng hindi bababa sa limang nominado.
Si Associate Justice Arturo Brion ang naatasang sumulat ng desisyon sa nasabing kaso.
Ayon sa Korte, sa ilalim ng batas, obligado ang mga tumatakbong party list group na magsumite ng listahan ng mga nominado nito para maging kinatawan sa Kongreso.
Sa ipinalabas na summary ng SC Public Information office, nakasaad na maituturing na waiver sa panig ng Cocofed ang kabiguan nito na magsumite ng listahan ng “at least five nominees” bago sumapit ang eleksyon.
Matatandaan na kinansela ng Comelec noong May 24 ang certificate of registration at accredidation ng Cocofed kahit pa nagsumite na ito ng manifestation sa komisyon na humihiling na tanggapin nito ang karagdagan nilang mga nominado.
Sa nagdaang eleksyon, bigo namang makakuha ng sapat na boto ang Cocofed para makakuha ng pwesto sa Kamara de Representantes.
Nabatid na aabot lamang sa 100 libong boto ang nakuha ng nasabing grupo.
The post Pag-disqualify sa Cocofed pinagtibay ng SC appeared first on Remate.