INIHAYAG ng Manila Electric Company (Meralco) na magbababa sila ng singil sa kuryente ng 35 sentimo ngayong buwan ng Agosto o P70 sa bill ng typical household na kumukonsumo ng hanggang 200 kilowatt hour (kWh).
Ayon sa Meralco, ang hakbang ay bunsod na rin nang pagbaba o pagkakaroon ng downward adjustment ng generation charge at iba pang components ng electricity bill.
Nabatid na ang generation charge ay bumaba ng hanggang 28 sentimo kada kWh mula sa dating P5.33 per kWh ay naging P5.05 per kWh na lamang ito ngayon, na pinakamababang lebel na naabot nito simula Mayo 2011.
Bunsod ito ng P5.27 per kWh reduction sa halaga ng kuryente na mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Bumaba rin ang spot market prices dahil sa pagbaba ng demand sa kuryente na sanhi naman nang pag-ulan sa mga nakalipas na araw, na nagpadagdag rin ng output mula sa mga hydroelectric plants.
Maging ang average cost ng kuryente na mula sa mga Independent PowerProducers (IPPs) ay bumaba rin ng 5 sentimo kada kWh o mula P5.34 ay naging P5.29 per kWh na lamang dahil sa mas mababang presyo ng coal at natural gas.
Kasama ring bumaba ang transmission charge ng 0.5 centavo per kWh habang ang taxes, na binubuo ng value added tax (VAT) at local franchise tax (LFT), ay bumaba rin naman ng 4 sentimo per kWh.
Ang total reduction na 3 centavos per kWh ang iba pang bill components tulad ng system loss charge, power act reduction, subsidy, at universal charges.
Bagama’t nagkaroon umano ng bahagyang pagtaas o upward adjustment ang generation cost ng Power Supply Agreements (PSAs), o mula P4.19 ay naging P4.24 per kWh, nananatili namang ito ang pinakamababang halaga ng supply sa power supplies.
The post Electric bill bababa ng 35 sentimos appeared first on Remate.