INIHAYAG ng Commission on Elections (Comelec) na wala pang pribadong indibidwal silang pinagkakalooban ng exemption kaugnay ng gun ban na kanilang ipinatutupad dahil sa May 13 midterm polls.
Ayon kay Comelec Commissioner Elias Yusoph, chairman ng Committee on the Ban on Firearms and Security Personnel, kinakailangang isailalim muna sa threat assessment ang naturang pribadong indibidwal bago tuluyang magdesisyon kung pagbibigyan o hindi ang kahilingan nila na makapagbitbit ng armas kahit may gun ban.
Sinabi ni Yusoph na daan-daan nang aplikasyon ang natanggap nila para sa gun ban exemption ngunit wala pang 100 ang kanilang naaprubahan.
Kabilang aniya rito ang mga security agencies at mga senador, habang ang mga congressmen at governors ay binigyan lamang ng security details.
Nabatid na kabilang naman sa mga humihingi ng exemption ay si anti-crime advocate Teresita Ang See, kidnap victims, at mga Chinese businessmen.
Maging ang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay kinakailangang mag-apply sa exemption dahil hindi naman ito sakop ng nilagdaang framework agreement.
Pinayuhan din ng Comelec official ang publiko na sumunod sa mga probisyon ng gun ban.
Nauna rito, sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez na hanggang noong Enero 17 ay may 708 request na silang natanggap sa gun ban exemption at 69 pa lamang sa mga ito ang naaprubahan.
Ang gun ban ay nagsimula noong Enero 13 at magtatapos sa Hunyo 12.