INIURONG na ng pitong kongresista na kabilang sa Makabayan Bloc ang suporta sa Freedom of Information bill.
Kabilang dito sina Bayan Muna Reps. Teddy Casiño at Neri Colmenares, Anakpawis Rep. Rafael Mariano, Kabataan Rep. Raymond Palatino, ACT Rep. Antonio Tinio at Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan at Emmi de Jesus.
Tanging si Casiño lamang ang co-author ng FOI bill kaya siya lamang ang mababawas sa 80 may-akda ng panukala.
Ipinaliwanag ng mga mambabatas sa isang press conference na hindi na nila gusto ang laman ng substitute version ng FOI bill dahil maituturing na itong freedom of exception bill.
Ito ay dahil napakarami na ang isiningit na exceptions sa substitute version, malinaw na ang FOI bill ay bersiyon na ng Malakanyang.
Ang miyembro ng Makabayan Bloc ay may kaniya-kaniyang bersyon ng consolidated substitute version ng FOI.
Kabilang sa mga isinusulong ay ang pagbubukas sa publiko kahit ng national security issues na mariing tinututulan ng sandatahang lakas.