‘DAPAT galingan pa ni Bistek, ang pag-aartista,’ ayon sa grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY).
Ito ang sagot ng KADAMAY sa press conference na isinagawa sa Barangay West Kamias hinggil sa naging pahayag ni Quezon City Mayor Herbert ‘Bistek’ Bautista na wala umano siyang pinirmahang permit na nagpapahintulot sa demolisyon ng mga kabahayan sa tabi ng estero sa Barangay West Kamias.
Nauna ng sinampahan ng kasong libelo sa Office of the Ombudsman ng grupong Anakpawis ang alkalde dahil sa paninira nya umano sa ilang grupo ng mga maralita sa Sitio San Roque, North Triangle na tinawag ng akalde ng mga sindikato.
Ilang araw na ngayong nakabarikada ang mga residente ng West Kamias matapos magpahayag ang Secretary to the Mayor ng Quezon City, Tadeo Palma, na anumang oras ay maari ng ipatupad ang demolisyon sa mga tinukoy na komunidad ng maralita sa QC kabilang na ang Agham Road sa North Triangle, Payatas Road na nasa likuran ng Justice Cecilia Palma High School, Dupax Road sa Barangay Old Balara, at tabing-estero sa West Kamias.
“We have certificates of compliance issued by the local housing board. We have already met all legal requirements before dismantling illegal structures of those informal settlers,” dagdag pa ng QC Secretary.
Ang local housing board (LHB) ng QC ang nag-aapruba sa certificate of compliance na kinakailangan upang ipatupad ng anumang demolisyon sa lungsod. Ang mga LHB sa bawat siyudad o munisipyo ay resulta ng Memorandum Circular 2008-143 ng Department of Interior and Local Government.
Pinamumunuan ito City mayor, at umuuupo sa board bilang mga kasapi ang Sanggunian Committee on Housing and Urban Development, City Planning and Development coordinator, City Engineer, at mga kinatawan ng Philippine Commission for the Urban Poor, People’s Organization at SEC-accredited Non-Government Organization.
Ayon kay Carlito Badion, national secretary-general ng KADAMAY, kailangan umanong husayan pa ni Mayor Bistek ang pagsisinungaling, lalo pa at matagal na nitong tinalikuran ang pag-aartista.
“Dapat galingan pa nila Bistek at Tadeo Palma ang pagtatakip nila sa mga maanomalyang plano ng demolisyon sa Quezon City, at ang sapilitang paglilikas sa mga maralitang lungsod patungo sa mga off-city relocation,” ayon sa lider.
Kinondena rin ng KADAMAY ang umano’y sindikato sa loob ng lokal na pamahalaan ng QC na pinagkakakitaan ang mga maralitang inililipat sa mga malalayong low-cost housing na itinatayo ng New San Jose Builders, Inc.
Nasa likod din umano ang sindikatong ito ng Housing and Urban Renewal Authority, Inc, isang korporasyon umano ng QC LGU subalit pribadong pinagmamay-arian at pinagkakakitaan ng mga stockholders nito sa pangunguna ni Speaker Sonny Belmonte.
Ang NSJB, Inc ay isang kompanyang pag-aari ni Jerry Acuzar, bayaw ni Paquito Ochoa na dating City Administrator ng Quezon City at ngayon ay Executive Secretary ni Pangulong Aquino.
The post Bistek sinungaling – mga maralita appeared first on Remate.