ITINUMBA ng di nakilalang salarin ang isang 26 anyos na vendor habang kausap ang kanyang kapatid sa Binondo, Maynila kagabi .
Kinilala ang biktima na si JP Gariando, may live-in partner, ng AreaB Gate 48, Parola compound, Binondo, Maynila sanhi ng tama ng bala sa katawan.
Inaalam naman ang pagkakakilanlan sa suspek na tumakas matapos ang pamamaril dala ang di nabatid na kalibre ng baril.
Sa report ni PO3 Julieto Malindog ng Manila Police District (MPD)-homicide section, dakong 9:00 ng gabi nang naganap ang pamamaril sa harapan ng bahay ng biktima.
Ayon sa salaysay ni Cory Gariando Vivas, kapatid ng biktima, nasa labas sila ng biktima habang nag-uusap nang nakarinig ng sunod-sunod na putok at sa takot ay napatakbo ito sa loob ng kanilang bahay.
Saglit lamang ay bumalik siya sa labas subalit tumambad sa kanya ang duguang nakahandusay na kapatid kaya tinawag niya ang kanilang ama na si Rodrigo na siyang nagtakbo sa biktima sa ospital subalit namatay habang ginagamot.
Inaalam pa kung ano ang motibo sa pagpatay.
The post Vendor binaril, patay appeared first on Remate.