INAANYAYAHAN ni Transportation Sec. Joseph Emelio Abaya ang publiko na lumahok sa gagawing public consultation kaugnay sa isinusulong na fare adjustment para sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) system.
Una nang inaprubahan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang board resolution na nagpapataw ng P10-increase sa singil ng rail services.
Ayon kay Abaya, target umano nilang gawing “installment” ang pagpapatupad nang dagdag-pasahe, na P5 muna ngayong taon at sa susunod na taon naman ang balanse.
Aminado naman ang kalihim na nagsilbing “go signal” sa kanila ang anunsyo ng Pangulong Aquino sa nakaraan nitong State of the Nation Address (SONA) para kaagad aksyunan ang nakabinbing plano.
Nilinaw ni Abaya na layunin nang umento sa pasahe ay para mabawasan ang pinapasang subsidy ng gobyerno sa LRT at MRT at sa halip ilaan ang matitipid na pondo sa ibang priority projects ng pamahalaan.
Ang MRT Line 3 ay bumibiyahe ng North Edsa sa Quezon City hanggang Taft Avenue sa lungsod ng Pasay, habang ang LRT Line 1 ay bumibiyahe ng Roosevelt sa Quezon City hanggang Baclaran sa Pasay City.
Sa panig ng Malacañang, tiniyak din ni presidential spokesperson Edwin Lacierda na magiging transparent at makatotohanan ang gagawing public consultation.
The post DOTC sa publiko: Lumahok sa train fare hike consultation appeared first on Remate.