MATAPOS ang SONA kanina ni Pangulong Aquino kung saan harapang tinuligsa nito ang mga opisyal ng Bureau of Customs ay nagsabi si Customs Commissioner Ruffy Biazon na magbibitiw na pero hindi aniya tinanggap ng pangulo.
Sa kanyang Twitter account, sinabi ni Biazon na pagkatapos ng SONA ng Pangulo ay ipinaabot niya rito ang kagustuhang mag-resign.
Pero tiniyak daw sa kaniya ng Pangulo na nananatili ang kumpiyansa nito sa Customs chief.
“In light of the president’s statement regarding BOC, I immediately offered my resignation within minutes after the end of the speech,” ang tweet ni Biazon.
“President’s reply: “RUFFY we both know the difficulties in the agency you are trying to reform. My confidence in you remains the same,” ayon pa kay Biazon.
Matatandaan kanina sa SONA ni PNoy ay binatikos nito ang ahensiya sa pagsasabing …
“Para namang nakikipagtagisan sa kapalpakan itong Bureau of Customs. Imbes na maningil ng tamang buwis at pigilan ang kontrabando, parang walang pakundangan ang pagpapalusot nila ng kalakal, pati na ng ilegal na droga, armas, at iba pa sa ating teritoryo. Tinataya nga po ng Department of Finance na mahigit 200 billion pesos ang kita na dumudulas lang at hindi napupunta sa kaban ng bayan. Saan po kaya kumukuha ng kapal ng mukha ang mga kawani sa ahensyang ito? Kulang na lang ay sabihin nilang, “Wala akong pakialam kung mapunta sa masasamang loob ang armas; wala akong pakialam kung ilang buhay ang masira ng droga; wala akong pakialam kung habambuhay na matigang ang mga sakahan. Ang mahalaga, yumaman ako; bahala ka sa buhay mo.”
The post Pagbibitiw ni Customs Commissioner Biazon ‘di tinanggap ni PNoy appeared first on Remate.