UMAPELA si Cebu City Rep. Raul Del Mar sa mga kasamahang kongresista na suportahan ang kanyang pagsusulong na agad maaprubahan ang dagdag na sahod sa public school teachers.
Sa inihaing House Bill 365 ni Del Mar, binanggit niya ang madaliang pangangailangan upang maitaas ang sahod ng mga pampublikong guro para makasunod at makaagapay sa ipinatupad na K-12 program na ipinatupad noong nakaraang taon.
Nakapaloob sa panukala na ang sweldo ng mga guro ay dapat may pagkakaiba batay sa kwalipikasyon at haba ng itinagal sa serbisyo na hindi ibinabase sa across the board adjustments.
Sinabi pa nito na ang mga public school teachers ang mga itinuturing na underpaid workers o mga empleyado na sobra sa trabaho ngunit hindi sapat ang nakukuhang sahod.
Itataas ang sahod ng mga guro sa elementarya at sekondarya sa mga pampublikong paaralan sa salary grade 20 o buwanang sweldo na may P36,567 mula sa dating salary grade 11 o may sahod na P18,549.
Binibigyang mandato ng panukala ang Department of Education na bumuo ng isang specific programmed budget na tutugon sa kinakailangang salary upgrade sa loob ng limang taon upang maisama sa popondohan ng Department of Budget and Management (DBM).
The post Dagdag sahod sa mga guro pinamamadali appeared first on Remate.