IBINASURA ng Court of Appeals ang hiling ni dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. na pigilin ang pagtestigo ng isang opisyal ng Philippine Army at dalawang iba pa kaugnay ng kaso ng Maguindanao Massacre na dinidinig sa Quezon City Regional Trial Court.
Sa siyam na pahinang desisyon, partikular na ibinasura ng Court of Appeals Fifth Division ang petition for certiorari na inihain ni Andal Jr kung saan hiniling nito na pigilin ng CA ang QC RTC Branch 221 sa pagpayag na maging testigo ng prosekusyon sina Captain Julius Gundayao at ang mga forensic experts na sina R. Paruli at Sherwin Uy.
Iginiit ni Andal Jr sa kanyang petisyon na maituturing na grave abuse of discretion ang pagpayag ni Judge Jocelyn Solis-Reyes dahil sina Gundayao, Paruli at Uy ay hindi naman kasama sa listahan ng mga testigo na iniharap ng prosekusyon sa pre-trial conferences.
Pero sa desisyon ng CA na isinulat ni Justice Ricardo Rosario, tinukoy na may discretion ang mga trial judge gaya ni Solis-Reyes na payagan ang pagprisinta ng ebidensya na hindi namarkahan sa panahon ng pre-trial, at gayundin ang pagprisinta ng mga testigo na hindi kasama sa pre-trial briefs.
Ang desisyon ay sinang-ayunan nina Justices Rosmari Carandang at Leoncia Real-Dimagiba.
The post Pagtestigo ng opisyal ng PA sa Maguindanao massacre ipinatutuloy ng CA appeared first on Remate.