NASA mga kamay na ng House of Representatives kung sino kina Lord Allan Velasco at Regina Reyes ang kikilalanin nitong kinatawan ng Marinduque.
Ito ang naging pahayag ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes, Jr. matapos sabihin ni Mandaluyong Representative Neptali Gonzales na si Reyes pa rin ang nananatiling congresswoman ng Marinduque, sa kabila nang pagkakaproklama ng poll body kay Velasco.
Ayon kay Brillantes, wala na sa kanilang mandato ang magdeklara kung sino ang tunay na dapat maging myembro ng mababang kapulungan ng kongreso dahil ang sakop lamang aniya nila ay ang magproklama ng mga nanalong kandidato sa ginanap na May 13 polls.
Sinabi ni Brillantes na lahat ng mga desisyon nila ay maaaring idulog sa Korte Suprema at labis silang nagpapasalamat sa mataas na hukuman kung kinatigan nito ang kanilang desisyon.
Sakali naman aniyang hindi kilalanin ng Kongreso ang desisyon ng Korte Suprema ay bahala na lamang ang dalawang sangay ng pamahalaan na ito na siyang ‘mag-away.’
“Kapag may umakyat sa SC, e di mabuti. Iyun naman ang tamang proseso kasi lahat ng decision namin can be brought up to the SC. Kung i-sustain kami ng SC, tapos hindi pa rin i-recognize ng House, hayaan na nating sila magaway, ang SC at House. Basta kami tapos na kami dun,” ayon pa kay Brillantes.
Matatandaang unang iprinoklama ng Comelec si Reyes bilang nanalong kongresista ng Marinduque ngunit malaunan ay kinansela ng Comelec en banc ang proklamasyon dahil sa pagiging American citizen nito.
Kinatigan naman ng Korte Suprema ang desisyon ng poll body sanhi upang tuluyan nang maiproklama sa pwesto si Velasco.
Kinukwestiyon naman ni Reyes ang desisyon ng Comelec at SC dahil wala aniyang hurisdiksiyon ang mga ito sa kaso, dahil ang House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) na aniya ang dapat na humawak nito dahil siya’y proklamado na.
Sinegundahan naman ni Gonzales ang sinabi ni Reyes at iginiit na sakop na ng hurisdiksyon ng HRET ang kaso nina Reyes at Velasco.
The post Si Velasco o Reyes sa Kamara appeared first on Remate.