PINALAGAN ni House Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte ang mga panawagan at panukalang buwagin nang tuluyan ang priority development assistance fund (PDAF) o mas kilala bilang pork barrel.
Naniniwala ang liderato ng Kamara na hindi ang pagbuwag ang kasagutan sa paglutas ng problema sa kinasangkutang P10 billion pork barrel scam ng ilang mga kongresista at ilang senador.
Giit ni Speaker na tanging ang pork barrel ang direktang pondo na naka-aabot sa mga liblib na pook na pawang constituents ng mga kongresista.
Iginiit naman ni Mandaluyong Rep. Neptali Gonzales II na hindi makatwiran at hindi solusyon ang tanggalan ng pork barrel ang mga mambabatas.
Hayaan na lamang anila ang imbestigasyon ng pamahalaan na maglabas ng resolusyon kaugnay sa scam.
Nauna na ring hiniling ni Belmonte sa NBI ang kopya ng report ng pork barrel scam upang masuri ng Kamara.
Sa isang press conference, inamin ni Belmonte na maghihigpit na ang liderato ng Kamara sa paggamit ng pork barrel.
Kinumpirma rin ni Belmonte na bukod kay Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ay pawang mga dating kongresista aniya ang nababanggit na pangalang sangkot sa pork barrel scam nang pondohan ng mga ito ang ilang ghost projects.
The post Pagbuwag sa pork barrel inalmahan ni Belmonte appeared first on Remate.