IBINUNYAG ng isang toxic watchdog na ang mga pambatang play chair na banned sa Amerika at Europa dahil sa paglabag sa chemical safety standard ay ipinagbibili sa Divisoria sa Maynila.
Ayon kay EcoWaste Coalition Coordinator Thony Dizon, lumitaw sa July 12-13 market surveillance ng grupo na ang mga silya sa Maynila ay katulad ng mga ipinare-recall sa US at Bulgaria.
Bukod aniya sa hitsura ay pareho ring kasing –toxic ng mga silyang banned sa ibang bansa ang mga upuang natagpuan nila sa Divisoria.
Aniya, ibinebenta ang mga silya sa halagang P90 hanggang P160 lamang sa mga shopping mall tulad ng 11/88 Shopping Mall, 168 Shopping Mall, 999 Shopping Mall, Lucky Chinatown Mall at mga katabing discount stores sa Divisoria.
Kaugnay nito, pinayuhan ng grupo ang publiko na suriing mabuti ang mga binibiling silya lalo na ang mga makukulay at may mga disenyong cartoon character.
Dapat rin hindi amoy pintura dahil tiyak na posibleng may sangkap itong kemikal na mapanganib sa bata.
Umapela rin ito sa health authorities na kaagad na ipag-utos ang agarang pagbawi sa mga naturang toy products.
Giit pa ng grupo, ang Pilipinas ay hindi “dumpsite” para sa mga laruan na nire-reject sa ibang bansa dahil hindi ligtas ang mga ito.
“If these play chairs were deemed unsafe for American and Bulgarian children to use, they are, beyond question, unsafe for Filipino children, too,” ani Dizon.
Ipinaabot na rin umano ng EcoWaste Coalition ang kanilang natuklasan sa pamahalaan sa pamamagitan ng Food and Drugs Administration, na siyang in-charge sa pag-regulate ng mga laruan ng mga bata.
The post Play chair na may lason, ibinibenta sa Divisoria appeared first on Remate.