SUGATAN ang 14 katao nang salpukin ng rumaragasang pampasaherong bus ang konkretong poste sa South Luzon Expressway (SLEX) kaninang umaga sa Muntinlupa City.
Isinugod ng mga rumespondeng tauhan ng Muntinlupa Rescue Team sa Parañaque Medical Center ang mga sugatang pasahero na karamihan ay pawang nagtamo ng sugat sa noo, labi at braso sanhi ng pagkakaumpog sa upuan.
Kusang loob naman na sumuko sa pulisya ang driver Cher Transport Bus na may plakang TYK-944 na si Rimson Baarte, nasa hustong edad, makaraan ang insidente.
Sa imbestigasyon ng mga tauhan ng Highway Patrol Group (HPG), dakong alas-6:53 ng umaga nang maganap ang insidente kung saan galing ng Pacita Complex sa San Pedro, Laguna ang bus at mabilis na tinatahak SLEX patungong Maynila nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver at salpukin ang konkretong poste pagbaba ng Alabang viaduct malapit sa toll booth.
Ayon sa driver, ipinaayos na aniya niya sa kanilang mekaniko ang manibela ng bus bago siya pumasada dahil nararamdaman na niya na bigla na lamang itong nagla-lock.
Si Baarte ay sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting to multiple physical injuries at damage to property.
The post Bus sinalpok ang poste, 14-sugatan appeared first on Remate.