LIMANG Koreano na sangkot sa ilegal na operasyon ng online casino ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isinagawang raid ng ahensya.
Kabilang sa mga dinakip ay sina Naryun Kim, Yunhee Hwang, Seyoung Chung, Wonseok Yang at Hoi Cherl Yang, pawang Koreano at naninirahan sa Ayala Alabang, Muntinlupa City.
Sa report, ang pagkakadakip sa mga suspek ay bunsod ng kahilingan ng Taiwan Economic and Cultural Office (TECO) laban sa mga suspek na nagpapatakbo ng ilegal na on-line casino sa pamamagitan ng telepono.
Sa pamamagitan ng search warrant na inisyu ng Manila Regional Trial court Branch 24, sinalakay ang operasyon ng casino ng mga suspek sa Ayala Alabang kunsaan ay naaktuhan sina Kim Naryun at Chung-Seyoung na nagpapatakbo ng online casino nang walang permiso sa pamahalaan habang sina Hwang-Yunhee, Yang-Wonseok at Yang-Hoi Cherl ang call center agents.
Bigo rin ang mga nasabing Koreano na makapagpresenta ng mga dokumento na maaaring maging batayan sa kanilang pagkakakilanlan.
Natukoy ng NBI ang mga suspek matapos na matunton ang computer technician na nagkabit ng expanded internet/telephone connections via VOIP sa nabanggit na lugar.
The post 5 Koreano na sangkot sa online casino dakip appeared first on Remate.