SWAK sa kulungan ang isang lalaking holdaper nang hindi makumbinsi ang pulisya na kaya niya kinuha ang pera ng kanyang biniktimang binata ay dahil binalatuba siya nito sa bayad kapalit ng oral sex sa Naga City nitong Linggo ng gabi (Julyo 7).
Kinasuhan ng robbery holdup at nakaditine na ngayon sa PNP detention cell sa Naga City ang suspect na si Richard San Jose, 20-anyos residente ng Bagolatao, Minalabac, Camarines Sur.
Ayon sa biktimang si Chris Albert de Leon, binata, naghihintay siya ng sasakyan sa Peñafrancia Avenue nang biglang lapitan si San Jose.
Kinaibigan siya ni San Jose at sinabing patungo rin siya sa Barangay Bagumbayan na inuuwian din ni De Leon.
Pumayag naman si De Leon sa alok ng suspek na maglakad na lamang sila pauwi dahil malapit lang naman ang kanilang lugar.
Lingid sa biktima, may maitim na binabalak pala si San Jose at sa kanilang paglalakad ay biglang tinutukan siya ni San Jose ng kutsilyo at nagdeklara ng holdap.
Nakuha ni San Jose ang P850 subalit nakahingi naman agad ng tulong si De Leon sa isang police outpost kaya nahuli ang suspek.
Sa presinto, depensa ng suspect na kaya niya kinuhang pilit ang pera ni De Leon ay dahil hindi siya binayaran nito matapos na sila ay magtalik.
Itinanggi naman ito ng biktima.
The post Nahuling holdaper idiniin ang biniktima ng ’di pagbayad sa oral sex appeared first on Remate.