NANGANGAMBA ang isang retiradong Arsobispo ng Simbahang Katoliko sa posibleng pagsusulong ng panukalang pag-amyenda sa 1987 Constitution o Charter Change (Chacha) kasunod na rin nang muling pagbubukas ng sesyon ng Kongreso.
Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishop’ Conference of the Philippines (CBCP), nababahala siya sa pagsusulong ni House Speaker Feliciano Belmonte ng ChaCha para amyendahan ang economic provision ng Saligang Batas.
Sinabi ng Arsobispo na layunin kasi nitong buksan sa mga mamumuhunang dayuhan ang negosyo sa Pilipinas kung saan maaari na silang makapag-may-ari ng 60% share sa anomang negosyo o ari-arian sa Pilipinas.
Naniniwala si Cruz na kapag pinayagang baguhin ang economic provision ng Konstitusyon ay babaguhin na rin ng mga mambabatas ang mga probisyon kaugnay sa Family Code upang gawing legal ang diborsyo at same sex marriage sa Pilipinas.
“Pero ang sabi ko kapag ang binuksan mo ang Constitution for an amendment para kang nagbukas ng Pandora’s box. Maraming mababagong probisyon dyan, especially in order to accommodate divorce and same sex marriage,” ayon kay Cruz, sa panayam ng Church -run Radio Veritas.
“So maraming papalitan, at sabi nga pati territorial integrity mapapalitan dahil sa agreement with the Bangsamoro. Sapagkat sa ngayon hindi pwede ang divorce at same sex marriage according to Constitution at Family Code of the Philippines,” dagdag pa ni Cruz.
The post Pagsusulong ng Cha-Cha, magbubukas ng mga amyenda appeared first on Remate.