PINAPURIHAN ng pamahalaang lungsod ng Marikina sa pangunguna ni Mayor Del De Guzman ang masipag at maagap na pagpapatupad ng City Health Office (CHO) ng lungsod para sa mga proyektong pangkalusugan nito para sa mga Marikenyo.
Dahil dito, napabilang sa Top Ten Finalists ng Champions for Health Governance Award 2013- Excellence in Governance for Healthy Communities ang lungsod ng Marikina na ginanap noong ika-20 ng Hunyo sa Muralla Ballroom, The Bayleaf, Intramuros, Manila.
Nakamit ng lungsod ang tropeyo at napabilang sa sampung finalist mula sa higit 100 munisipalidad at local government unit na lumahok dahil sa mabuti nitong pamumuno, mahusay at epektibong pagpapatupad ng mga programa at proyektong pangkalusugan sa mga Marikenyo.
“Isang malaking karangalan para sa atin na tayo ay makapaglingkod sa ating mga kababayan. Naniniwala tayo na ang kalusugan ay kayamanan ng bawat isa. Kaya patuloy nating ginagawa ang lahat ng ating makakaya upang mapangalagaan ito,” wika ni De Guzman.
Ang parangal ay ibinigay ng Kaya Natin Movement, Merck Sharp & Dohme (MSD), Ateneo de Manila University School of Governance, kasama ang Department of Interior and Local Government at Department of Health.
Nauna rito, nasungkit din ng Marikina ang ikalawang Red Orchid Award nito sa magkasunod na taon sa katatapos lamang na Department of Health Red Orchid Awards 2013. Mula rito ay naiuwi ng Marikina ang premyong PhP100,000 halaga ng gamot at supplies para sa smoking cessation program ng lungsod.
The post Pagpapatupad ng proyektong pangkalusugan sa Marikina pinapurihan ni Mayor Del appeared first on Remate.