MAGHAHAIN na ng reklamo ang isa sa biktima ng sex-for-flight sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Dahil dito, naniniwala ang ahensya na malaking tulong sa mga biktima ang magiging testimoniya ng mga naging biktima ng embassy personnel sa Gitnang Silangan.
Sinabi ni DFA spokesman Raul Hernandez, lalong makapagpapatibay sa nasabing report ang formal complaint ng mga naging biktima lalo na’t may isasagawang fact-finding investigation ang kanilang tanggapan sa nasabing isyu.
Ngayong araw, nakatakdang makipagkita ang isa sa biktima ng “sex-for-flight” kay DFA Secretary Albert del Rosario upang kunan ng testimonya at pormal na reklamo.
Tiniyak din ng opisyal na magiging “confidential” ang pagkakilanlan ng mga lalantad na biktima kaya’t patuloy ang panawagan nila sa mga biktima na lumantad at magtungo sa kanilang ahensiya upang mapanagot ang mga nasa likod ng pang-aabuso.
Dagdag pa ng DFA, agad nilang sisimulan ang imbestigasyon pagdating ng mga consular officials mula sa Saudi Arabia, Qatar, Oman, United Arab Emirates, Bahrain, Egypt, Libya at Lebanon.
Una nang pinabalik ng bansa ni Del Rosario sina Charge d’Affaires Nestor Padalhan mula sa Syria, Ambassador Olivia Palala mula sa Jordan at Charge d’Affaires Raul Dado mula sa Kuwait, matapos idawit ni party-list Rep. Walden Bello sa kaniyang expose ang ilang embassy personnel sa nasabing mga bansa.
Nagsalita na ang isa sa mga opisyal ng embahada ng Pilipinas na isinasangkot sa umano’y pambubugaw sa mga overseas Filipino worker (OFWs).
Sa pagharap sa media ni Polo-Amman, Jordan officer Mario Antonio, mariing itinanggi ni Antonio ang mga paratang ni Akbayan representative Walden Bello ukol sa umano’y “sex for flight scheme”.
Tiniyak ni Antonio na handa siyang sumailalim sa anumang isasagawang imbestigasyon.
Pakiusap lamang ni Antonio, huwag muna siyang husgahan at bigyan ng pagkakataong malinis ang kanyang pangalan.
The post ‘Sex-for-flight’ victim maghahain ng reklamo sa DFA appeared first on Remate.