HAHARAP ngayong araw sa Department of Foreign Affairs (DFA) si assistant labor attache in Amman Mario Antonio para magsumite ng kaniyang pahayag hinggil sa kinasasangkutang “sex-for-fly” scandal.
Maliban dito, magtutungo na rin ng Kuwait at Jordan ang binuong hiwalay na investigating team ng Department of Labor and Employment para mangalap nang karagdagang ebidensiya hinggil sa nabunyag na eskandalo.
Inaasahan umano na matatapos ang imbestigasyon sa kalagitnaan ng buwan ng Hulyo para maparusahan ang mga taong sangkot sa iskandalo.
Una rito, pinapauwi na rin ni Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario ang mga ambahador ng Pilipinas sa nasabing mga bansa para tumulong sa gagawing imbestigasyon.
Ayon sa kalihim, personal umano nitong pangungunahan ang pagsisiyasat sa nakakabahalang alegasyon na ibinubugaw umano ng ilang embassy personnel ang mga stranded Pinay overseas Filipino workers, kapalit ng kanilang pag-uwi sa bansa.
Sinabi pa ng kalihim na bagama’t wala pang pormal na reklamong naisasampa sa kaniyang tanggapan, pero gagamitin umano nilang batayan ang mga “verbal complaints” o mga sumbong na unang naiulat sa media.
Nilinaw pa ng opisyal na hindi “recall” ang pagpapauwi sa mga ito, kundi para lamang magbigay ng kanilang panig sa imbestigasyon.
Binigyang diin pa ni Del Rosario na maliban sa disciplinary measures, posibleng maharap sa kasong kriminal ang mga sangkot na government officials sakaling mapatunayang totoo ang mga alegasyon laban sa kanila.
The post Labatt Antonio haharap sa DFA sa “sex-for-fly” scandal appeared first on Remate.