NABABAHALA ang Department of Foreign Affairs sa naglalabasang paratang na sex operation umano ng mga opisyal ng mga embahada ng Pilipinas sa ibat-ibang bansa partikular sa gitnang Silangan.
Ayon kay DFA Assistrant Secretary at Spokesman Raul Hernandez, “disturbed” ang kalihim na si Sec.Albert del Rosario sa isiniwalat ni Cong.Walden Bello, chairman ng Congressional Committee on Overseas Workers Welfare, hinggil sa mga tauhan ng embahada sa Kuwait ,Syria at Amman, Jordan na sangkot sa “sex for fly” scheme na ginagawa ng mga ito sa mga Pinay na OFW na lumayas sa kanilang mga mapang-abusong amo at nagnanais na makabalik ng Pilipinas.
Sa ulat ni Bello, sinabi nito na may mga pinagkatitiwalaang source ang kanyang komite na mismong mga tauhan ng embahada na kanlungan ng mga inaabusong OFWs ang nagbebenta o nagbubugaw sa mga ito sa halagang 300 dirham sa mga dayuhan kapalit ng pangakong makauwi sa Pilipinas.
Kinilala umano ni Bello ang mga ito sa pangalang Blas Marquez, nakatalaga sa embahada ng Kuwait, isang tumutugon sa pangalang Mario Antonio na nakatalaga sa Amman Jordan at isang alias Kim na nakatalaga sa Damascus, Syria.
Kinumpirma naman ni Hernandez na si KIm ay isinailalim sa imbestigasyon ng DFA hinggil sa mga paratng subalit na-reprimand lamang dahil sa kakulangan ng konklusibong ebidensya. Si Kim ay inakusahang nangmolestya ng limang Pinay na tumuloy sa embahada sa Syria.
Wala namang natatanggap na reklamo sa mga diumanoy naging biktima ng mga Philippine Overseas Labor Officer o POLO at embassy officials ang DFA at OWWA.
Nanawagan si OWWA Administrator Carmelita Dimzon sa mga OFWs na naging biktima ng mga tiwaling mga welfare officer sa mga embahada sa Gitnang Silangan.
The post “Sex for fly” sa Middle East, ikinababahala ng DFA appeared first on Remate.