NAKATAKDANG magkasa ang PISTON ng kilos-protesta sa Huwebes (June 20) o Biyernes (June 21).
Reaksyon ito ng grupo sa panibagong Big Time oil price hike na P1.45 sa diesel at P1.05 sa gasolina na pinatupad simula ngayong araw na ito. Ang mga naturang petrolyo ang kalakhang ginagamit sa public land transport gaya ng mga jeepneys, bus, UV Express, Taxi at mga traysikel.
Ayon sa grupo, ang panibagong pagtaas ay ang ika-5 nang sunud-sunod na pagtaas sa diesel at ika-6 na pagtaas sa gasolina magmula nang matapos ang May 13, 2013 Mid-Term Election.
Sinabi pa ng PISTON na bunsod ng panibagong pagtaas, umabot na sa kabuuang P3.25/litro sa diesel at P3.35/litro sa gasolina ang inakyat ng presyo matapos lang ang nakaraang halalan. Dahil sa panibagong pagtaas, batay sa monitoring ng PISTON ang kasalukuyang halaga sa gasolinahan sa Metro Manila ng diesel ay nasa P41.40/litro na at ang gasoline naman ay nasa P51.55/litro. Anila, mas mataas pa ng P6 hanggang P9 ang presyo ng diesel at gasolina sa mga lalawigan lalo na sa Visayas at Mindanao.
“Kinokondena namin ang kutsabahan ng gobyernong Aquino at Big 3 Oil cartel sa manipulado at kartelisadong paggalaw sa presyo ng langis na labis na nagpapahirap sa mga drayber at mamamayan,” pagdidiin ni George San Mateo, National President ng PISTON.
“Matagal na naming hinihiling sa pamahalaan na ipawalangbisa ang Oil Deregulation Law, Tanggalin ang 12% VAT sa petrolyo at Isabansa ang industrya ng langis upang makawala tayo sa pagsasamantala ng ganid na Oil Cartel, pero bingi’t manhid si Pangulong Aquino. Bagkus pinagtatanggol ni Pang. Aquino ang interes ng Big 3 lalo na kung saan kabahagi ang Petron Corporation na kontrolado ng tiyuhin ni Pangulong Aquino na si danding Cojuangco,” pahayag pa ni San Mateo.
Binanggit din ni San Mateo, na sa kasalukuyan hindi pa muna opsyon ng PISTON ang paghingi ng fare increase dahil mahihirapan lalo ang nakakarami nating kababayang naghihirap lalo pa sabay-sabay ang pagtaas sa bayarin sa matrikula pati tubig.
“Mas mahalaga sa ngayon na mabuo agad ang malawak na pagkakaisa at sama-samang pagkilos ng mga drivers, mananakay at motorista upang ikasa ang laban at mga pagkilos kontra sa sunud-sunod na oil price hikes,” ani San Mateo.
Nagbabala din si San Mateo na kapag nanatiling bingi si Pangulong Aquino at magtuluy-tuloy pa ang pagtaas sa presyo ng langis ay handa ang PISTON na pangunahan ang isang pambansang protesta na lalahukan ng mga drayber at iba pang sektor upang igiit ang kanilang mga kahilingan.
The post Kilos-protesta vs panibagong big time oil price hike, naka-amba appeared first on Remate.