NAGBIGAY ang national government ng P500,000 ayuda para matugunan ang pangangailangan ng mga libu-libong apektado ng baha sa apat na lalawigan sa South Central Mindanao.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Eduardo Del Rosario, apektado ng mga pagbaha ay ang ilang bayan sa Sultan Kudarat, Sarangani Province, North Cotabato at Maguindanao at sa kabuuan ay umaabot na sa mahigit 61,000 mga residente ang apektado ng kalamidad.
Pinakamaraming nagsilikas ay sa bahagi ng Maguindanao dahil limang bayan ang apektado na kinabibilangan ng Pagalungan, Datu Paglas, Sultan Sabarongis, Rajah Buayan, at Datu Montawal na nasa mahigit sa 12,000 pamilya ang sinalanta.
Agad namang namahagi ng mga pagkain ang LGUs tulad ng bigas, de lata at noodles sa mga apektadong residente.
Bagamat sa bahagi ng Sarangani province at Sultan Kudarat ay unti-unti na umanong bumabalik sa kanilang mga tahanan ang mga apektado ng kalamidad.
Maliban sa Mindanao, mino-monitor na rin ng NDRRMC ang nararanasang biglaang pagbaha sa Visayas at Luzon kabilang na ang Metro Manila dahil umiiral pa rin ang hanging habagat na pinag-iibayo ng bagyong si Emong.
The post P.5-M ayuda sa 4 na lalawigan na binaha appeared first on Remate.