LIMA katao ang nasugatan nang lamunin ng apoy ang isang pampasaherong bus sa Quezon City nitong Miyerkules ng gabi (Enero 16).
Isinugod sa East Avenue Medical Center (EAMC) sanhi ng tinamong kapansanan sa iba’t ibang parte ng katawan ang mga biktima na sina Julius Hermano, Gerlie Casaway, Reynaldo Casaway, Raymond Casaway at Lalaine Casado.
Sina Julius at Gerlie ay nagtamo ng kapansanan sa binti nang sipain nila ang bintana para makalabas sa nasusunog na HM transport bus (TVZ-537).
Naganap ang insidente dakong 7:40 nitong Miyerkules ng gabi sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Ayon sa bus driver na si Emiliano Capitulo Jr., bago ang insidente ay nakarinig siya ng pagsabog at nang ipasilip niya sa kanyang konduktor ang ilalim ng kanyang minamanehong bus ay umaapoy na ang kaliwang bahagi ng ilalim ng bus.
Ayon sa isa sa mga biktima na hindi nakuha ang pangalan, nagpanic ang mga pasahero nang biglang binalot ng usok ang loob ng naturang bus.
Upang makaiwas sa kapahamakan, sinipa niya ang bintana sa likod ng bus pero masama ang kanyang pagtalon kaya sumakit ang kanyang binti.
Hinihinalang faulty electrical wiring ang sanhi ng pagkasunog ng bus na patungong Fairview nang naganap ang insidente.