BUMAGSAK sa ospital ang isa habang swak naman sa kulungan ang kanyang kainuman nang halos magpatayan ang dalawang matadero matapos magtalo hinggil sa laban ng NBA San Antonio Spurs at Miami Heat sa Davao City nitong nakaraang Biyernes (Hunyo 14).
Nagtamo ng taga sa ulo at isinugod sa ospital ang biktimang si Nilo Paganola, 34-anyos, may asawa at residente ng Purok 7, Catigan, Toril.
Nakakulong naman sa Toril police station detention cell at kakasuhan ng attempted homicide ang suspect na si Crisanto Jaro, 24-anyos, may asawa at residente ng Dalao, Toril, Davao City.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong ika-7 nitong Biyernes ng gabi sa loob ng Toril public market.
Bago ito, nagkayayaang uminom ng tuba ang magkaibigan na parehong matadero sa loob ng nasabing palengke.
Dahil sa sobrang panatiko ng San Antonio Spurs si Jaro habang si Paganola naman ay die hard fan naman ng Miami Heat, napag-usapan ng dalawa ang paglalaro ng kani-kanilang idolo.
Nabatid na dahil sa pagkatalo ng Spurs kontra Miami sa Game 4 ay kinantiyawan ni Paganola si Jaro pero dumipensa naman ito hanggang sa magkapikunan ang dalawa at nauwi sa suntukan at pananaga.
The post Kantiyawan sa laban ng Spurs vs Miami, 1 sugatan, 1 kulong appeared first on Remate.